Ang maging isang mabait na tupa sa paligid ng mga gutom na lobo
At kayong mga "The Twilight Saga" enjoyers, I hate all of you
¡Hola, amigo! ¿Cómo estás? Ako’y nagbabalik muli sapagkat nakaramdam nanaman ako ng isang hindi maipaliwanag na pagkakulang sa pansin. Tila ba isang uri ng kati na kailanman hindi mo matapos-tapos kamutin. At sa panahon ng makabagong teknolohiya, ako ay lubos na nagpapasalamat sa Substack dahil dito may tsansang ma-pusuan ng mga mambabasa ang aking mga kababawan sa buhay. O, ang pagbilis ng tibok ng aking puso sa tuwing lalagpas sa dalawa ang readers ng aking “creation”, ang literal na pag-ilaw ng aking mga mata sa tuwing may papasok sa aking notipikasyon na may napilitan nanamang mag-like ng aking lathala. Ako ay nagbalik, nandito na si... *dundundundunnn* *pabulong* si Jimboy…
Bakit ba nandito si Jimboy? - Basahin kung sakaling ikaw ay bago dito.
Oh ano nagulat ka ano? Na makakabalik ako dito? Na makakalabas ako sa kulungan na pinaghirapan mong buohin? Na makikita kong muli ang aking ugat-pak matapos mong ibigay sa mga Ravena!? *eagle sound* Ako ay nagbibiro lamang. Wala akong kaaway dito. Nag da-drama lamang ako, dahil minsan masarap umarte (at mag-inarte), ngunit sa kadalasan, ito ay dahil isa talaga akong tunay na KSP. Hala ka, tara na at sulitin ang pag-baligtad ng aking orasang baso ng buhangin, dahil marahil pagkaubos nito, ako ay papasok muli sa pahinga na may kahabaan.
Kamusta? Ito yung mga panahon na mayroon akong sobrang oras kaya nagagawa kong magsayang ng oras dito sa Substack. Eh ikaw bakit ka ba nandito? Marahil tulad ko, kulang ka din sa pansin. O kaya naman, baka isa ka talagang propesyonal na manunulat. O baka isa ka doon sa mga mahilig mag “humble-brag” na talaga namang patok na patok sa sosyal media tulad sa facebook at instagram. Masaya ako kapag nababasa ko ang mga pinag-sususulat ninyo dito. At higit sa lahat, gusto kong sumasaya din kayo dito sa Substack, dahil isa akong mabuting tao *ehem*. Oo, mabait ako.
Ikaw, mabait ka ba? Nasubukan mo na bang maging mabait? *matalas na pagtingin sa iyong madilim na mga mata*. Ang ibig sabihin ko dito ay yung tipikal na…’lammonayon, matulungin, pwersa ng liwanag, may busilak na puso. Kumbaga ikaw yung protagonist archetype, ikaw yung Mulawin! Sa sobrang bait mo, bumubukas ang kalangitan sa iyong bawat hakbang at handang lumilinya ang mga anghel para patugtugan ka ng matatamis na melodiya gamit ang kanilang mga gintong trumpeta. I swear, hindi ako high ngayong araw. Sadya lamang na pumapasok sa aking kokote ang anghel at mulawin references. Kahit mahilig kong pakinggan ang kantang Tequila Rose ni Hellmerry, kailanman ay hindi ko sinubukan ang pag-gamit o pag-abuso ng mga recreational na droga.
Oh ano na kaibigan, nahihirapan ka ba sumagot kung mabait ka ba talaga o hindi? I can’t relate, dahil tulad nga ng kanina ko pa sinasabi, mabait ako. “Huh ang korni mo naman pa-hero effect ka” ang mga salitang sasabihin mo siguro kung hindi ka mabait. Oo nabasa ko na ang nasa isipan mo. Makapangyarihan ako. Hindi ko naman ipinag-sisigawan na mabait ako. Hindi ko din naman hinihingi na maparangalan ako dahil dito o makatanggap ng kung anong pabor. Mabait ako dahil sa pansarili ko lamang na kagustuhan. Okay na bang rason iyon? Kung ikaw hindi ka mabait, o kaya naman 50% ka lamang na mabait, ay wala naman akong pakialam. Sabi nga nila “Live and Let Live”. O kaya naman, wag mo masyadong seryosohin ang mga sinasabi ko dito, marami lang talaga akong free time ngayon.
Sa karamihan, masasabi nila na kung gusto mo ng masaya at masaganang buhay, dapat kang maging mabait. Ngunit bakit sa tunay na buhay hindi naman ganito ang nangyayari? O sige, hindi ko nalang lalahatin. Siguro naman talaga mayroong (marami) sa inyong mababait ay tunay na sumasaya at nakakatanggap ng kasaganahan sa buhay. Pero bakit kaya para sa isang tulad kong mabait, madalas mas maraming pait at hinagpis ang aking nakukuha *playing Yiruma – river flows in you*. Hindi makatarungan! Sana naging villain nalang ako. Baka nakapagpatayo pa ako ng sarili kong villain castle. Ako ay nagbibiro lamang. Siguro, magandang linawin ko na dito, na nakabase ang mga susunod na kwento sa sarili kong buhay at karanasan. Para naman hindi sabihin ng mga hunghang diyan na sinasabi kong pagiging mabait=hard. Depende naman lahat iyon sa iyo, sa kasalukuyang kinalulugaran mo sa buhay, sa iyong sariling karanasan o kagustuhan. Siguro nga dapat hindi na ako nag-papaliwanag pa, pero dahil mabait ako, lugod kong i-eexplain na baka nga isa lamang ako sa mga swerte sa buhay. Swertehin, na maging mabait na tupa sa paligid ng mga gutom na lobo.

Sa aking buhay (MMK? lol), masasabi kong nakilala ko na ata ang lahat ng klase ng tao. Mula sa dulo hanggang sa kabilang dulo ng espektro. Marahil, isa ito sa mga dahilan kung bakit malawak ang aking pang-unawa, kung bakit ko naiintindihan ang pagkademonyo ninyo. Ngunit hindi naman ibig-sabihin nito na okay lang sa akin ang inyong kademonyohan. Para sa isang mabait na nilalang (yes ako ito), mabigat itong tanggapin. Masakit ito sa aking busilak na kalooban at tila hindi ko mawari sa aking butihing isipan kung bakit, paano at saan sila nagsimulang magka-ganito. Masasabi ko nga din, na sa aking palagay ay may mga nakilala na akong tao na animo’y pisikal na manipestasyon ng kasamaan, ng 7 deadly sins (para sa susunod na lathala siguro). At dahil dito naalala ko yung comment ko sa isang lathala ni
, lahat ng nagbabasa ngayon, kailangan mag-subscribe kayo sa kanya at sa dalawa pa niyang substack!Sa heneral na konteksto ng buhay, maganda nga naman talaga na maging mabait tayo sa isa’t-isa. Mayroon lang talagang mga espesyal na kalagayan sa buhay *raises hand* kung saan mas nananaig ang pwersa ng kadiliman, ang kasamaan. Kapag binabalikan ko ang aking mga alaala hindi ko naman noon lubos akalain na pagpasok ko sa hardin ng buhay, hindi pala puro bulaklak ang hahawakan ko. Sa aking pagiging bukas-palad, hindi ko napaghandaan ang tinik sa tangkay ng mga rosas. O siguro tanga lang ako, dahil paulit-ulit ko itong hinawakan, piniga, at masyadong in-enjoy. Sa aking pagiging mabait, masyado akong umasa na kabaitan din ang isusukli sa akin ng aking kapwa. Mas okay na nga sana kahit wala, pero may pagkakataon pala talaga na may mga klase ng tao na masyadong malisyoso at pagsasamantalahan ang iyong kabaitan. O minsan naman, kahit na naging mabait ka na sa lahat ng bagay, hindi ka talaga pinapalad sa andar ng gulong ng buhay. Maraming bagay na hindi sakop ng iyong kontrol ay tila nagsasama-sama, nag-meeting, at nagkasundong ibigay sa iyo ang isang malakas na hagupit. Siguro, ito pala talaga ang buhay ng hero-archetype, ang tumanggap ng maraming matinding pagsubok habang pinipilit mong hindi magmaliw ang sinag at kariktan ng iyong espada, kalasag at sanggalang. Ang pagharap sa pagbagsak ng apoy at asupre na may kasiguraduhang hindi ako kasali, hindi dahil sa mabait ako, ngunit dahil sa ako ang hero, ako ang protagonist, ako ang bida-bida (Jollibee reference).
Ano nga naman ang laban ng isang inosenteng tupa sa pangil ng mga lobo? Tulad ko na pinalaki bilang isang mabait na bata, wala naman sa aking isipan na ang mga sitwasyon at kalagayang kakaganapan ko pala ay ang mapalibutan ng maraming damuho at mababangis na animal. Ang mapagka-isahan, ang maapi, ang maging scapegoat (ahaha hindi na tupa). Ang maging ulam at hapunan ng mga gutom na lobo. Sa dami ng aking mga kakatuwang karanasan sa buhay, natutunan ko din naman ang magbago at lumaban, na gampanan ang aking tadhana, na maging isang tunay na pwersa ng liwanag (sobrang drama). Kinailangan kong mag-palit anyo, sapagkat kung hindi ko ito gagawin, ay mauubos ang aking malambot na balahibo. Leche kayong mga lobo kayo, paktay kayo sakin.
Sa kasalukuyan, maituturing ko na ako ay isang livestock guard dog at hindi na isang tupa. Mabait pa din ako, ngunit hindi tulad ng isang tupa, mayroon na akong kakayahan na ipaglaban ang mga bagay na alam kong tama. Siguro nagtataka kayo ano kayang ginagawa netong si Jimboy? Pulis? Senador? O isang lamang hamak na day-dreamer o larper? Wag mo nalang isipin, pwede din naman kasi na all of the above lol.
Bilang isang bantay (guard dog), nagkaroon din ako ng mas malalim na pag-kilatis sa karakter ng mga taong nakakasalamuha ko sa araw-araw. Mas gumaling ako sa pag-puna ng mga kilos at salita, isang judger, mapanghusga. Ang pagtingin at pag-obserba sa mga stereotype, na kadalasan naman talaga ay may pinagbabasehan sa katotohanan. Ang paghanap sa mga tupa at protektahan ang mga ito. Ang pag-amoy sa mga lobo na nasa paligid, o sa mga lobo na nagtatago sa ilalim ng magandang balahibo ng mga tupa (little red riding hood reference huwaw). Ang obserbahan ang iba pang pisikal na manipestasyon ng 7 deadly sins at pagkatuwaan sila. Tulad na lamang ng nakasabay ko sa 7-eleven na nakasuot ng white coat at may sukbit na stethoscope sa leeg habang bumibili ng Pocari Sweat, na hindi daw ate ang dapat itawag sa kanya sapagkat matagal at mataas na antas daw ang kanyang napag-aralan (huwaw). Ito ba yung Pride o yung pagiging mapagmataas? Siguro hindi niya nakilala na ako pala si Jimboy, at para sa akin, isa lamang siyang hamak na uod (biro lamang ito dahil hindi ako mapagmataas). Hindi niya siguro natantsa ang dami ng aking mana. Hindi niya naisip na ako ay isang aura farmer at higit na nakatataas ang lebel ko sa kanya. “Ay sorry Doc, hindi ko alam na nakapila ka pala”. Oh diba, ang bait ko. Siguro para din ito sa susunod kong lathala.
Lilinawin ko lamang sa parteng ito, na ang aking pagiging tupa o guard dog ay metaporikal na ehemplo lamang at hindi dapat unawain bilang literal na konteksto. Baka magkagulatan tayo at magkita-kita sa susunod na Furry Convention.
Kita-kits! Mabuhay!
P.S. Dito ko nalang sa Jimboy dela Cruz ipo-post ang mga susunod kong lathala. Dapat kasi talaga dito nalang lahat una palang. Nalito lang ang lolo nyo mag ayos ng kanyang Substack account.