Panimula
Hello mga walang magawa sa buhay! Bakit hindi nyo subukang magwalis? O kaya maglinis ng kwarto ninyo?
Gusto ko kayong gulatin sa bagong anyo ng lathala ko ngayon sa Substack. Isang beses kasi, sinubukan kong basahin muli ang isa kong lathala (ahh grabe sobrang self-absorbed lol) at masasabi kong medyo panget pala tignan kapag masyadong plain ang itsura. Bukod sa nasimulan at nasubukan ko namang maglagay ng mga litrato at mga gumagalaw na imahe (gif), gusto ko din sana na mas maging kaaya-aya sa paningin at aking lathala. Hindi ko man makuha ang inyong atensyon sa “content”, makuha ko manlang ang inyong atensyon sa disenyo. Huwaw, creative design awardee yarn? Hindi ako magaling sa mga pangmalikhaing gawain at proyekto, pero susubukan ko. Tutal, nandito ako para maglibang, sasagad-sagarin ko na. #productive #produktibolmao
Sana ay makatulong ang bagong format na ginawa ko para sa inyong mga mahal kong mambabasa (dalawang pinoy haha, tagay!). Patungkol naman sa aking pamamaraan ng pagsulat, wala naman akong balak na baguhin ito. Sinubukan kong isipin kung dapat na ba akong maglagay ng etiketa sa aking presensya at mga sulatin dito sa Substack, ang maghanap ng “niche” kung saan pwede kong idikit ang aking sarili tulad ng pagdikit ng mga langaw sa sticky trap. Nakapagpasya na ako na mag-double down nalang sa aking pagka-hypercringe at magpatuloy na isulat kung ano ang aking mga gusto. “Oh may Substack ka? Anong niche mo?”. Ang niche ko ay Jimboy. Ikaw ba, may naiisip ka ba kung saan ako ako lulugar? Nag-iisip ka pa ba, o kapwa ko Philippino? Sumagi na ba sa iyong isipan o nasubukan mo na bang sagutin sa sarili mo kung bakit ba pula ang kulay ng hotdog? Alam mo ba kung saan natutulog ang mga ibon tuwing gabi? Alam mo ba kung bakit may mga floaters tayong nakikita kapag nakatulala tayo sa blankong pader o sa kalangitan? Kung gugupitin ko ba ang iyong corpus callosum, may mapapansin ba kaming pagkakaiba? Mag-ensayo ka kaibigan, gamitin ang isipan. Hindi pwedeng pilosopastro lamang tayo sa timeline.
Philippino - kakatuwang baybay ng salitang Filipino na madalas galing sa mga dayuhan sa internet.
Para sa mga bago dito, inaanyayahan ko kayong basahin kung bakit nandito si Jimboy.
Basahin mo din ang huli kong lathalat dito.
Mangarap ng gising
Hindi naman siguro bago sayo ang pag de-daydream. Ang tumulala sa parang at tumakas saglit mula sa mga makamundong bagay, ang isipin ang mga bagay na gusto mong makamit sa buhay bago ka mag-flyfly sa langit. Sabi pa nga ng karamihan, na kapag nangarap ka daw, kailangan taasan sapagkat libre lamang naman itong gawin. “Shoot for the stars!” sabi ng mga tito tita mo na mahilig mag-post ng bible quotes. Ano ba ang mga pangarap mo sa buhay? Pera? Kasikatan? Pag-ibig? Atensyon? Ahh, oo ako gusto ko ng atensyon. Gusto mo ba maging presidente ng Pilipinas? Senador? Artista? Secretary ni Chavit? Kung anuman iyan, sige i-manifest mo na yan. Tulad na lamang sa mga liriko ng kantang “Bed Chem” ni Sabrina Carpenter, wika niya, “Manifest that you’re oversized”. Hmm pero iba ata yung ibigsabihin nya doon. At bakit nga ba nasa kamang higaan ang pag-aaral ng kemistriya? Tamad ba sya mag-aral? I can relate. Sabagay, basta gets mo naman ako diba? I-manifest mo yan…
Tungkol sa pangarap na sumikat at makilala
Nakakita ka na ba ng pila ng tao para sa mga awdisyon sa mga sikat na palabas sa telebisyon? Pinoy Big Brother, Star Circle Quest, Startstruck, o iba’t ibang singing contest. Ako nakakita na, pero hindi ako sumali ha, nakita ko lamang. May mga kasama ang kanilang pamilya bilang suporta, merong magkakaibigan na sabay-sabay sasalang sa awdisyon, at meron din naman na mga soloista. Masaya kong pinanood ang kanilang mga talento sa ibabaw ng mataas na entabladong punong puno ng puting ilaw. Tatlong hurado ang lalait sa kanilang pagtatanghal, at sa tatlong iyon din nakasalalay ang kanilang tsansa para sumikat at makilala. “Hija, stop ka na, baba ka na ng stage thank you. Next please!” sigaw noong isang hurado. Umiyak ang dalaga habang humahakbang siya pababa sa hagdan. Ang bilis naman, parang wala pang mahigit sampung segundo. Siguro, dahil sa dami at haba ng pila na gustong makatapak sa entablado, kailangan din nilang magmadali. May mga sobrang kinakabahan na nanginginig ang mga boses, may mga walang hiya, may magaganda’t gwapo (at kung iniisip mo na sila ang madalas makuha, tama ka), may mga panget, may mga hindi talentado, kumbaga halo-halo talaga. Tila isang tunay na “melting pot” ang eksena sa mall noong araw na iyon.
Hindi ko lubos maisip na sumali sa mga ganoon dahil ako ay may pagkasobrang mahiyain at wirdo. Siguro, pwede ako doon sa awdisyon para kay Budoy, ngunit sa kasamaang palad, lingid sa kaalaman ko kung kailan at saan ba ginanap iyon. Marahil, ang mga pangarap na sumikat ay nagmula sa pagka-adik ng pangkaraniwang Philippinoe sa telebisyon, hatirang pangmadla, o kaya naman sa sobrang pagkabanidoso. Wala akong masamang ibig sabihin dito, sabi ko nga kanina, kung pangarap mo talaga, i-manifest mo yan. Kumbaga, yung mga napanood kong nag-awdisyon noong araw na iyon, sila yung mga gustong mag manifest ng kasikatan. Pero para sa mga hindi nagtagumpay sa araw na iyon, karamihan sa kanila, iyon na ang kanilang huling tsansa. Tila ba parang sila ang modernong katumbas ng paglipad ni Icarus papalapit sa araw. Yung mga nag-awdisyon na hindi nakuha ay si Icarus, ang mga malalaking spotlight ang kanilang araw, at ang eksenang pagkalusaw ng kanilang mga pakpak ay ang pagbaba nila sa entablado bitbit ang kanilang kahihiyan, pagkalungkot, at pagkabigo.
Isa ding patunay sa kagustuhang sumikat ng mga Philippino ang pagdami ng mga influencers at content creators sa facebook, youtube, instagram at tiktok. May mga gustong mag sing and dance sa mga modernong tugtugin habang suot ang masisikip na pananamit, may gustong kumain ala-patay-gutom tulad ng mga mukbangers, mag review at bigay saloobin sa kung ano-anong bagay habang nagsasalita ng may matigas na puntong ESL, o kaya naman ay may pagkatunog bobo. Sa totoo nga, mas nasisiyahan pa akong pakinggan yung mga tunog bobo kaysa sa mga tunog ESL, dahil masakit sa tenga pakinggan ang magsalita ng wikang dayuhan kung hindi naman natural ang dating nito. O bakit nga ba kailangang pilitin ang ating sarili na mag-Ingles kung ang nirereview mo lang naman na pagkain ay yung bagong pishbol stand sa U-belt. “Uh-humm melts in your mouth” wika nang isang influencer habang nginunguya niya ang mainit na kikiam matapos niya itong isawsaw sa sukang pampubliko. Kung sabagay, baka ganoon din pala ang kanyang target audience at masyado lang akong mapanghusga, pero pinapanood ko naman silang lahat at kahit papaano, nakapagbibigay sila ng ligaya sa aking kababawan sa buhay.
Tungkol sa pangarap na mas mapaganda ang panlabas na kaanyuan
Kasabay ng kagustuhang sumikat ng mga influencer ang pagkahumaling ng modernong Philippino sa mga produktong pampaganda, pampaputi, pampakinis, pampapayat o kaya naman sa proseso ng pagpaparetoke. Sa tingin ko nga, isa ang bansang Pilipinas sa kumokonsumo ng tone-toneladang pampaputi at mga chin-chun-su kada taon. Baka sa hinaharap, ibigay na sa atin ang titulong tagapangasiwa ng whitening soap at lotion.
Kapag pangarap mo bang gumanda ibig-sabihin panget ka? Pwede, at wala namang masama maging panget. Hindi din naman masama kung gusto mong gumanda. Para sa akin, kanya-kanyang kagustuhan lang talaga yan. Siguro nalulungkot lamang ako na para sa karamihan, ang maging maganda ay ang pagbura ng mga katangian mo bilang isang Philippino. O madalas, ang basehan ng pagiging maganda ay kung sino yung hapa, tulad na lamang ng mga napapanood nating sumasali sa Ms. Universe o mga artista sa telebisyon. Aba, ang napapanahon ngayon, kapag pure-bood Philippino ka sa mga paligsahang pagandahan, parang saling ket-ket ka lang. Bibihira nalang ngayong panahon ang mga tunay na appreciator (kasali ako dito) ng kulay negro, kayumanggi, o kaya naman ay morenong tanso. At para sa mga mahilig mag-whitening pahid sa mukha, pakiusap pakisali din ng mga nangingitim ninyong batok at mga braso, para naman hindi kayo mukang hybrid na zebra sa kakaibang paternong kulay ng inyong balat. Marami ding Philippino ang nais mapakinis ang kanilang mga balat o kaya naman ay mabago ang hugis ng parte o ng buong mukha. Salamat sa makabagong teknolohiya, kung sawa ka na sa ilong mo na pango at hugis patag na batong magaspang, o sa kutis mo na parang balat ng palakang-tubo, pera lang ang katapat niyan. Idagdag ko na din siguro ang oras at pagdadasal.
May hangganan ba o limitasyon ang pagpapaganda? Sa totoo lang wala akong pakialam. Hangga’t may pera ka siguro, oras at pasensya, sige lang. Kumbaga, kung san ka happy, Jollibee. Tulad nga ng kanina ko pa sinasabi, kapag gusto mo, i-manifest mo yan. Siguro kung hihipuin mo ang mahiwagang lampara at lalabas dito ang presensya ng isang kulay lilang ulap na anyong tao at bibigyan ka ng tatlong kahilingan, wag mo na sabihin na gusto mong pumuti, gumanda, at kuminis, dumiretso ka na at sabihin mong gusto mong mabuhay ulit sa ibang nais mong lahi lol. Aba, maging praktikal na, para may tira ka pang dalawang hiling diba. Ayaw mo pa? Kapag ayaw mo panget ka.
Tungkol sa pangarap na makatagpo ng tunay na pag-ibig
Naisip mo bang kunin na mismo kay Kupido ang kanyang makinang na pana at ipakawala ito tungo sa puso ng iyong crush, ha malandi ka?! *tuktok ng sandok sa ulo* Sa tingin ko naman ay hindi ka nag-iisa sa hangaring ito sa buhay. Lahat naman siguro ay nais makatagpo ng kanilang kaparehang tunay na mamahalin sila habambuhay. Yung tipong hindi magiisip mag-install ng telegram, snapchat at iba pang kabit-apps. Yung ipagbabalat ka ng kahel at mansanas tuwing meryenda. Yung mahanap ang icing sa ibabaw ng cupcake mo… Si Mr/Ms Right ka ba?
Mahirap hanapin ang taong matitiis ang lahat ng mga kawalanghiyaan mo sa buhay, minsan maiisip mo talaga baka imposible ang kanilang eksistensya. O paano yan? Kailangan ng kompromiso? Ano ba ang kaya mong isakripisyo kapalit ng pagtanggap nya sa mga kakulangan mo? Pumili ka, ako o ang pamilya mo?! Mala-teleserye pala ang gusto mo.
Kung wala ka pang kapareha, saan mo ba sila mahahanap? Sa club? Sa simbahan? Sa bahay ni bespren? Tumigil ka may asawa na yon. Sa library? Baka naman sa Substack pala kayo magkita… Pwede din naman na sa dating apps (syempre dapat single kayo pareho ha nanggigigil ako) tulad na lamang sa karamihan ng Manilenyong Philippino na nakakabingwit ng mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga AFAM! May katumbas ba ito kapag babae yung dayuhan? Siguro kapag AFAM lalaki at babae. Usong-uso ngayon yung mga Pinay na sasalubungin ang kanilang mga AFAM sa airport habang tumutugtog yung Forevermore ng Side A. Yung ang eksena, tatakbo syang payakap papunta sa bisig ng naglalakihan nilang mga braso at makikisig na pangangatawan, tapos iikot-ikot sila sabay lalapit yung pamilya nung babae para kunin yung maleta lol. Nahahalatang adik ako sa tiktok. Si Jimboy ba naghahanap ng dayuhang babae? Ahh hindi, indio lang ang gusto ko, kapareha ko pa ng kultura at lahi. At kung may idadagdag pa ako, hindi ako handang harapin ang mga dalang hamon pangkalusugan ng race-mixing. Paano nga ba kung dumating sa pagkakataon na kailangan ng aking anak ang bone-marrow transplant at hindi ko ito maibigay dahil kami mismong mga magulang niya ay hindi tumutugma sa kanyang pangangailangan? Mahirap maghanap ng donor! Muli, hindi ko naman kayo pinipigilan sa paghanap ng mga AFAM of your dreams. Napaghahandaan naman ang mga ito.
Pwede mo bang pangarapin na maging palikero/palikera? Hmm walang tunay na pag-ibig doon eh, siguro kung para sayo meron, sige na nga i-manifest mo nalang din. Pero halika muna dito pipingutin ko muna tenga mo bwisit ka.
Tungkol sa pangarap na yumaman
Ang sagot sa lahat ng aking problema sa buhay ay limpak-limpak na pera. Ito ang katotohanan na kailangan mong tanggapin sa sarili mo. Masarap magkaroon ng madaming pera, lalo na kung hindi ito madali nauubos. Kahit anong gasgas na kasabihan pa siguro ang sabihin mo sakin, hindi magbabago ang tingin ko sa pera. Gusto ko ng pera. Muka akong pera. Kung ibibigay nga lang sa akin ang mahiwagang lampara, pera lang ang hihilingin ko. Yung matitirang dalawang hiling pamigay ko na sa inyong mga panget. Wag na doon sa mga palikero at sa mga may AFAM, kasi sumosobra na sila.
Sapat na ba ang 9-5 para yumaman? Depende siguro kung nasaang lebel ka na sa hagdanan ng iyong karera sa buhay. Yung tipong magkahalong swerte at tunay na hirap sa pagtatrabaho. Lotto? Ahh masyadong mababa ang tsansa, pero umaasa ako linggo-linggo lol, i-mamanifest. Sugar daddy/mommy? Sayang hindi na ako pasok maging sugar baby sa aking edad. AFAM? Aba marami nang naka-ahon na mga kabayan natin. Negosyo? Tamad ako eh, gusto ko madali lang. Hindi ba pwedeng babagsak nalang sa harapan ko ang pera? Sino ba nagpauso na kailangan dumaan ako sa mga pagsubok para yumaman? Siguro oras na… Oras na para isuot ko ang aking beanie na may butas para sa mata... At… Itulog ang aking mga pangarap.
Ikaw ba, o kapwa ko Philippino, ano ba ang mga pangarap mo? Ibahagi mo naman baka mainggit ako gagayahin nalang kita.
Mabuhay!
Naaliw ako dito, salamat!