Paghehele sa sarili pagkatapos ng tatlong basong kape
Ang pag-tirik ng mga mata ni Jimboy sa kalaliman ng hatinggabi, at mga hamong dala ng pagti-timpla ng kape sa alanganing oras
Sa katahimikan ng gabi, malinaw kong naririnig mula sa aking tulugan (sahig) ang tunog ng mga motorsiklong dumaraan sa kalsadang may ilang kilometro magmula sa gusaling pinaroroonan ko. Gusto ko man silang sisihin sa pagkamulat ng aking mga mata habang oras na ng mga multo at mangkukulam, hindi ko naman ito magawa dahil uminom nga pala ako ng matapang na kape ilang minuto lamang bago ko naisipan na oras na pala para ako ay humilik. At sa ganitong pagkakataon, buong puso ko na lamang tatanggapin, na hindi mapapasa-akin ngayon ang mahimbing na pagtulog. Isang bagay na importante sa akin ang kinuha nanaman ng aking ka-adikan. Ka-adikan sa matamis na kapeng may krema.
O hayan at ano pa nga ba ang aking magagawa? Ang mag-drama at magmukmok hanggang bisitahin ako ng antok, o mag-timpla nalang muli ng isa pang baso (kalahating litro) ng kape, upang maitawid ang muli kong pag-sisid sa limbo ng magkahalong pagka-alerto at pagka-antok, papasok nanaman ako sa Avatar state. Ang aking mga namumugto at namumulang mga mata, na tila sila din ay nalilito kung bakit nga ba pinu-pwersa ko silang bumukas ngayong oras.
Magbubukas nanaman ako ng mga ilaw at tiyak iisipin nanaman ng mga maliliit na insekto na ikinagagalak kong tawagin silang lahat. Marahil sa mundo ng mga insekto, ito ang kanilang summoning ritual. Mukhang hindi sapat ang bakal na pansala na nakalagay sa bintana para pigilan ang mga makukulit na ito. Siguro naiisip nilang masaya ako na magpaikot-ikot sila sa ibabaw ng aking ulo, at akala siguro nila ay makakatulong ito sa paghele sa aking susuray-suray na ulo. Manahimik kayo! Heto na at magkakape na nga akong muli kaya maaari na kayong lumisan. Magpasalamat kayo at hindi ako mahilig mag pisik-pisik ng Baygon sa mga lugar ng pagtitipon sa tahanan na ito. May mga araw na hindi na kilala ng aking katawan ang haring araw, at para ako’y manumbalik muli sa tamang iskedyul, sa tamang Circadian rhythm, kailangan ay matulog ako nang halos isang buong araw. Lintik na kape talaga yan.
Sa ganitong mga oras din masayang umupo sa balkonahe (syepmre, dala ang aking bagong timplang baso/hydroflask ng kape), at pagmasdan ang mga kapitbahay at mga huni ng mga kuliglig at ano mang insekto ang mayroon sa paligid (madalas mga ipis at atangya ito lol). Masaya din sana na tumingala sa kalangitan para pagmasdan ang mga makikinang na estrella, ngunit tulad ng aking pagkabigo na makatulog ng mahimbing, mabibigo din pala akong makita ang mga tala ngayong oras. Maitim ang kalangitan. Uulan kaya mamaya? Mukhang natatakpan din ng mga ulap ang buwan. Parang alam nila na gising ako ngayong oras at naisip nilang magsipag-tago sa lambong ng gabi, malayo sa aking mga mapanuring mata. Paano iyan, sino na ang makikinig sa aking mga pansariling kahilingan? Ang mga mataimtim na dasaling lulan ang aking mga pangarap sa buhay. Iniisip ko pa naman na ang mga ito ay mamamayagpag sa malamig na simoy ng hangin paitaas sa mga tala, pero ngayon etong mga atangya lang pala ang may ganang makinig sa akin, mababawasan pa ng isa dahil tsi-tsinelasin ko na itong isang nangangahas dumapo sa aking paa. At para sa ibang maiiwan (yung mga natakot sa tsinelas ahaha) o siya, pakinggan nila kung paano at saan ko gustong sumakses sa buhay.
Sa ganitong oras din naalala ko ang mga kwentong kakatakutan at kababalaghan. Kung hindi naman kakatakutan, mga kwento naman na may tema o paksang esoteriko. Naalala ko pa noon, nababasa ko ang mga dasal at oracion sa aming bahay na nanggaling pa sa kongregasyon ng mga albularyong kakilala ng lola ko. Libro ng Kabaala ni Moses na naisalin sa wikang tagalog at mga enkiridyon ng dasal at oracion mula sa mga yumaong Santo Papa. Sa aking pagkakatanda, nanggaling ang mga ito sa grupo ng mga dayuhang ebreo na kasama at katulong ng mga albularyo sa kanilang mga ritwal sa loob ng mga kwebang mahiwaga sa mga malalayong probinsya kung saan nakakakuha/diskubre daw sila ng iba’t-ibang agimat. Patungkol naman sa mga dayuhang ebreo, naalala mo ba noong natuklasan ang shipworm na sa Pilipinas lamang matatagpuan na halos katulad ng Shamir worm na gamit ni Haring Solomon para itayo ang unang templo sa Jerusalem? Wala na akong balita sa mga bagong pagaaral, pero susubukan kong mag link ng mga lumang balita:
Rock-Eating Worm Discovered In The Philippines Is Very Similar To The Shamir Worm
Recently Discovered Rock-Eating Worm Could Be Key to Building Third Temple
At sa pagisip ko sa mga lumang memorya, tutal galing tayo sa usaping esoterikal, bigla ko din naalala ang araw na pumasok sa akin ang diwa. Ikaw, natatandaan mo ba kung anong edad ka nagkaron ng kamalayan? Ang pagpasok ng ilaw sa iyong katawan. Kumbaga iyong pagpasok ng consciousness. Ayon sa aking mga nababasa, hindi lahat natatandaan ito, pero may karamihan na natatandaan ito, tulad ko na malinaw sa akin ang pagpasok ng ilaw. Ako ay apat na taong gulang nang bumaba ang ilaw sa akin at nagising na lamang ako na “Oh ako pala si Jimboy” at natatandaan ko ako ay umiiyak, dahil parang nasa kalagitnaan ako ng sermon ng aking ama. Ako ay tumigil at sinuring mabuti ang aking paligid at mula noon, nabuhay na ako na may diwa, o ito ay sa tingin ko lamang lol. Ikaw may natatandaan ka ba? Kung kailan mo naisip ang iyong pangalan, na ito’y iyong pangalan, na ikaw ay buhay?
Iba talaga ang epekto ng pagpupuyat, kung saan-saan umaabot ang likot ng aking isipan. Dito ko na muna puputulin ang mga kwento sa aking buhay, dahil pumapasok na sa bintana ang nakahuhumaling na amoy ng umalsang masa ng hindi pa lutong minatamis na tinapay. Ibig-sabihin, lalabas na ako at pipila sa pag-bili ng pandesal. Sa susunod na ulit kapag nasiyahan akong lumaklak ng kape. Sana ay may magandang kwento pa akong mahukay para sa inyo.
Sige, mahaba-habang tulugan na ito! Mabuhay!